Tuesday, January 27, 2009

Saya, Lungkot, Pagod at Pagkakaibigan

Hay... Kay bilis talaga ng panahon. Pagkatapos mamaalam sa 2008 ay aking binati ang 2009. Sa pagsisimula ng taong ito, nakaramdam at nakaranas ako ng mga matitinding pagsubok at iba pang mga pangyayari, masaya o malungkot man, na talagang hindi ko malilimutan.
Binati ko ang unang araw ng taong 2009 sa pagpunta sa simbahan ng Quiapo kasama ng aking mga kapamilya. Nang kami’y matapos magsimba, kami ay dumiretso sa SM Megamall (na dapat sana ay sa MOA) upang mananghalian. Kumain kami sa Max’s Restaurant (na naman – almusal ko kinaumagahan) at nag-order ng sobra-sobrang pagkain. Ang kinain ko (as usual) ay Shanghai Rice at Max’s Chicken sabay ng 7up na softdrink. Nang kami’y matapos, kaming 14 ay naghiwa-hiwalay sa panunood ng sine. Kami nina Ate Shayne, Denise & Nathan ay nanuod ng “Ang Tanging Ina N’yong Lahat” (dahil gusto kong tumawa buong taon :D). Ang mga “adults” ay nanuod ng “Iskul Bukol” & “Baler”.

Ang masasabi ko lamang ay talagang nakakatawa at nakakatuwa ang pelikula ni Ms. Ai Ai. Deserving ito na manguna sa takilya & maging “Box Office Hit” sa MMFF. Halos lumuwa na ang aking mga mata at sumakit ang tiyan ko sa kakatawa dahil kay Ina & Rowena (Eugene Domingo), lalo sa mga famous quotes nila.
“Ang batang masipag, paglaki pagod.” Etc.....

Nang matapos ang napakaligayang unang araw ng taon, puno naman ng kalungkutan ang bumalot sa aming tirahan, lalo na para sa akin. Pagkatapos ng 4 na araw ng pananamlay ng dalawa sa aming mga alagang aso na si Buck at si “Moo Time (Zipper)”, ay tuluyan nang lumisan sa aming piling (pagkatapos ng 2 taon). Ako’y umiyak sa buong gabi at hindi nakatulog dahil napamahal na sila sa akin. Pumanaw si Buck nung ika-2 ng Enero samantalang si Moo Time ay pumanaw matapos ng 2 linggo.
Ang mga sumunod na araw ay puno ng trahedya, kamalasan at kalungkutan para sa akin. Nung ika-4 ng Enero, kami ng aking mga kaklase ay nagpunta sa tirahan ni Zeejay upang mag-edit ng aming pelikula. Nang kami’y matapos, kami ni Raisa ay umuwi na. Nang kami ng mama ko ay nasa jeep pauwing Angono, sa Taytay ay mayroong sumakay na isang kahina-hinalang lalaki. Nagkaroon ng takot kami ng mama ko at lumipat kami ng upuan. Nang kami’y lumipat ay siya namang umalis ang lalaki. Nang ang aming jeep ay palayo na sa Taytay, aming nakita na ang lalaking iyon ay isa palang HOLDAPER dahil muntik na niyang manakaw ang bag ng isang tumatawid na babae ngunit maraming tao ang bumugbog sa kanya.

Sa pagsisimula muli ng pasukan, maraming araw ang aking pinagdaanan na puno ng trabaho, kapaguran at kamalasan din. Mas naging “busy” ako ngayon sa pagbubukas ng 2009.
Nung ika-5 & ika-6 ng Enero, pinalabas ang mga kauna-unahan naming mga pelikula (III – St. Albert the Great). Nandun ang “Wild Child” nina Ate Riz, “Bato sa Buhangin” ng aming grupo na kasama ang nakahihiyang patalastas ko sa pag-spoof sa Coke :D, “Dating Tambayan” na nakatutuwang love story nina Yanna at ang pinakapaborito ko sa lahat, ang “C.A.B.I.N.E.T.” nina MM, na talagang nagpatakot at nagpatawa sa akin. Ang aming mga pelikula ay pinalabas sa ibang pangkat ng Third Year, kung saan nakita nila ang aming mga kahihiyan...

Sa tuwing may pasok, ako’y nakakaramdam ng pagkahilo at pananamlay araw-araw ngunit pinipilit ko pa rin na maging masigla sa paningin ng mga kaklase at guro ko. Ito’y marahil sa sobrang kapaguran mula sa tambak na mga gawain na nakaatas sa akin. Kabilang dito ay ang pagsulat ko ng 6 na artikulo para sa aming dyaryo sa paaralan. Umaabot ako ng 4 na oras dahil sa dami ng mga ito. Dalawang artikulo nalang ang hindi ko nagagawa hanggang ngayon dahil sa daming takdang-aralin at proyekto.


Hay... Tama na muna sa puro negatibong nangyari sa akin, sa magaganda naman. Ang aming pangkat (III – St. Albert) ay dumaan sa mga pagsubok sa “spelling” nang dalawang beses upang makuha ni G. Arcilla ang top 3 spellers para sa Pebrero sa finals. Sa ngayon, ako’y pang-anim (6th) sa ranggo, may pag-asa.

Sa asignaturang Ingles pa rin, kami ay nagpractice nang isang buong araw para sa choral recitation namin sa ika-23 ng Enero. Kailangan naming ipresent ang The Congo” ni Vachel Lindsay. Kami ay sinanay nang husto ni Ate Riz at ako ang drummer boy nila. Mahirap maging drummer, tataymingan ko ang pagsalita ng aking mga kaklase na dapat ay sakto. Ang akala nung una ay madali, yun pala ay hindi. Kaya nasabi ko sa aking sarili na matapos ang “elimination” ay gusto ko nang maging “Indian” sa aming presentasyon.

Isa rin sa mga pinagtuunan namin ng pansin ay ang paggawa ng steps para sa aming sayaw sa JS Prom. Remix ang tugtog namin, may Mambo #5, I Can’t Take My Eyes Off of You, Awitin Mo at Isasayaw Mo & Night to Remember. Sina Edexa ang namuno sa pagbuo ng steps at dahil isa ako sa mga “leaders”, kasama rin ako sa pagbuo nito. At nang dahil din dito, sa wakas ay nakapunta rin ako sa bahay nina Ate Riz sa Tower Hills na napakalaki at napakaganda talaga. :D

Daming mga nangyari sa unang 26 na araw ng 2009! Ngayon din nabuo ang isa ko pang group of friends na “LPJ”, kami nina Lance at ni Kuya Joed na ang official na pabango ay ang nakakaadik na bango ng “Atlantis”. Ang FRIENDSHIP din ay lumaki, ang dating 5 kami ay naging 7 na! Nakapunta rin ako muli sa bahay nina Ludi upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan nung ika-17 ng Enero, kung saan halos 20 ng III – St. Albert ay nandoon. Kasama ang masarap na mapulang spaghetti ni Tita Lourdes at ang libreng “Alice Academy” showing!

Kaunti pa lamang iyan, marami pa ang darating na mga mabubuong pagkakaibigan, mga pagsubok at iba pa. Alam kong kakayanin ko lahat ang mga iyon sa gabay ng Diyos! :D

1 remarks:

Unknown said...

tatlong beses ko nabasa pangalan ko a ? haha.

goodluck satin.
mga batang haggard :[

Badges



Proudly Pinoy!